Thursday, 15 November 2012

Ang Guwardiya Sibil ng BDO

Pag-katapos ng ilang linggo, sa wakas nakuha ko ang ang aking final pay na mahigit 5,000 pesos mula sa dati kong kompanya. Hindi ko in-expect ang halagang yan kasi naman AWOL ang satus ko nung mag-submit ako ng resignation letter diba? Antagal kong nakaupo sa silya at nag-antay, nagmukha na nga akong “kasuy” dahil para na akong isang “prinsesa na nakaupo sa silya.”. Pag-katawag na pag-katawag ng aking apelyido, agad akong tumayo at lumapit sa babaeng mala-pusa dahil suot nya ay tiger print na casual wear. Para tuloy isang gubat ang opisina, kasi nandun ako na parang isang nimpa tapos may isa pang wild animal, bonga diba? Sabi ni Mam: “Pakipirmahan lang po dito Sir,” sabay turo sa espasyo sa isang papel. Isang papel na may nakalagay na BDO ang ibinigay sakin. Ito pala ang itsura ng isang tseke, napaka-simple pero napaka-importante dahil para narin itong isang pera.

Mula sa opisina, sinandya ko pa ang BDO sa Robinsons Equitable Tower para i-in-cash ang tsekeng ibinigay sa akin. Medyo kinakabahan, kasi first time kong gagawin ang ganitong transaksyun sa bangko. “Good Afternoon Sir!” Isang guwardiya ang nag-bukas ng pintuang gawa sa salamin upang ako ay papasukin sa loob ng bangko. Kasabay ng kanyang pagbati sa akin, sinundan pa ito ng isang ngiting kakaiba. May kung anung kiliting dala ang kanyang ngiti na hanggang ngayon, nasa isipan ko parin ang ngiting ipinakita n’ya sa akin.

Pagkatapos ng aking transaksyun sa bangko, pinilit kong hanapin ang guwardiyang nag-bukas sa akin ng pintuan, subalit hindi ko na s’ya nakita pa muli. At sa lugar na iyun tumubo ang isang halaman at tinawag ko itong “Pagmamahal.” Paminsan-minsan, kapag kailangan kong pumunta sa BDO o BPI, kahit malayo ako sa Ortigas, pinipilit ko paring sadyain ang bangkong iyun.