Saturday, 19 June 2010

Kirara ang itawag nyo sa Akin

Para makabawas sa gastusin, umuuwi ako sa bahay kapag tanghali, hirap kasing pag-kasyahin ang dalawang pisong baon ko sa school eh. Isang ice candy lang ang kaya kong bilhin kapag recess namin, habang ang iba ay may dala-dalang sopas, Snacku, Rinbee, Peewee at Zesto o minsan naman ay buko juice. Kapag nakikita ko sila, naitatanong ko sa aking sarili, bakit kaya andami nilang baon, habang ako nag-titiis sa iisang ice candy, pwede namang dalawa diba? Kaya kapag tanghali mas ninanais kong umuwi sa bahay para tipid.

Hindi ko maitago ang aking nararamdaman kapag pinapauwi na kami ng aming titser sa Filipino dahil sa wakas mapupuno nanaman ng kanin at ulam ang tyan kong nag-iisang ice candy lang ang laman. Mapapanood ko narin ang  aking inaabangan, “Oh Kirara . . . . . .” habang papalapit ako sa bahay, naririnig ko agad ang sound ng aming black and white na TV na binili ng Tatay ko ng 1,500 pesos. Yan ang kanta ng paborito kong palabas sa tanghali, ang “Kirara.”

Natutuwa ako kay Kirara dahil parang nakikita ko ang aking sarili sa kanya; maitim, kulot ang buhok, sarat ang ilong at makapal ang  labi, yan ang tipikal na hitsura ng isang Pilipino. So, Pilipino nga ako, hindi ko ito kayang itago sa aking kapwa. Kaya minsan natatawag na akong “Kirara” ng aking mga kaklase. Nung una, medyo hindi ko matanggap, pero nung kalaunan, okay narin.

Tuesday, 9 February 2010

Pag-nag-Ingles, Call Center Agent na agad?

Bagamat napakaraming lahi ang sumakop dito sa Pilipinas na may iba’t-ibang lingwahe, nakakatuwang isipin na nakuha natin ang galing at abilidad sa paggamit ng Ingles, mapa-salita man ito o sa pag-sulat. Ito ang nagpapatunay na tayong mga Pilipino ay talagang “World class” at kayang makipag-kumpitensya sa kahit anung larangan.

Ito ang naging dahilan kung bakit sa panahong ito nabuksan ang Pilipinas sa mundo ng BPO (Business Process Outsourcing) o Call Center. Napakalaking tulong sa ekonomiya ng ating bansa ang naibibigay ng mga negosyanteng nag-tayo ng mga call centers sa ating bansa. Libo-libo ring mga Pilipino ang nabigyan ng pag-kakataong makakuha ng trabaho sa iba’t-ibang kumpanya na nakabawas sa mga Pilipinong walang trabaho.

Pag-nag-Ingles, Call Center Agent na agad? Yan ang tanong na hindi maalis sa aking isipan. Habang ako’y naglilibot sa isang department store, napadaan ako sa lugar ng isang kahera na kung saan may mga nakapila para mag-bayad. Puro sila mga babae na napaka-simple lang kung manamit, hindi mo iisiping nanggaling sila sa isang marangyang pamilya, pero kung mag-salita ng Ingles, aakalain mong mga Amerikano sila dahil sa ganda at galing nila sa pag-sasalita ng Ingles at ang tono nila ay mala-DJ sa isang radyo. Walang naging problema sakin ang mga taong yun, sa halip humanga agad ako sa kanila. Ang naging problema lang, yung mga taong nasa likuran ko.

Marahil narinig din nila ang pag-uusap ng mga babaeng nasa kahera, imbis na humanga sila na katulad ko, narinig ko ang isa sa kanila na nag-sabing: “Magagaling silang mag-salita, pero mga call center agents LANG naman yang mga yan. Araw-araw silang nag-Iingles kaya gumaling sila ng ganun at wala na silang ibang alam, kundi ganun.” Lubos akong nalungkot sa mga narinig ko dahil ang kanilang mga salita at tono ay may halong “pang-mamaliit” sa mga call center agents, na katulad ko.


Anu ba ang gusto kong ipahatid? I do respect their “Freedom of Expression,” karapatan nila yun, pero mukhang marami na sa panahon ngayon ang bumababa ang paningin sa kapwa kapag nakapag-aral na at narating na nila ang tuktok ng kanilang karera. Hindi ko alam kung ang pag-kukulang ay nag-mumula sa pamilya o sa paaralan; dahil ang mga yunit nayan ng komunidad ang humuhubog sa kaisipan at pananaw ng isang indibidwal. Diba nga, sabi nila: “wag nating gamitin ang salitang LANG kapag tayo ay naglalarawan ng isang trabaho ng isang tao,” subalit, base sa mga narinig ko mukhang may nag-kukulang. Sa mga makakabasa nito, sana po: “regardless of your educational attainment and position in the society, matuto po nating tanggapin ang kalagayan ng ating kapwa, dahil dapat ang Kapwa Mo, Mahal Mo!